Sa bawat gabi na tila mabigat ang hangin,
At ang mga bituin ay ayaw tumingin,
Gusto kong ipaalala sa'yo —
Hindi mo kailangang maging araw
para lang magbigay liwanag.
Kasi, ikaw mismo,
ikaw na ang liwanag.
Hindi mo kailangang pilitin ngumiti,
para lang sabihin nilang "ayos ka lang."
Kasi minsan, sapat na 'yung paghinga mo —
'Yung pagpikit ng mata mo sa gitna ng bagyo.
Dahil bawat hinga mo,
ay patunay na lumalaban ka pa rin.
Alam mo ba kung gaano ka kaganda?
Hindi lang 'yung ganda na nakikita ng mata,
kundi 'yung ganda na lumalabas sa tuwing bumabangon ka,
kahit pagod, kahit durog, kahit wala sa mood.
'Yung ganda na hindi nasusukat sa makeup o filter,
kundi sa apoy ng damdaming ipagpatuloy ang iyong nasimulan,
na kahit ilang beses pang mahirapan, patuloy ka paring nariyan.
Minsan naiisip ko,
paano mo nagagawang manatiling matatag
sa mundong paulit-ulit kang sinusubok?
Paano ka nagagawang tumawa,
kahit may mga luhang ayaw bumaba?
Siguro kasi ikaw 'yung klase ng tao
na kahit sugatan na,
marunong pa ring gumuhit ng ganda sa mundong madilim.
Kasi ikaw 'yung tula na hindi nauubos,
'Yung musika na kahit paulit-ulit,
ay hindi nakakasawa.
Ikaw 'yung larawan ng pag-asa —
'yung kahit wasak ang canvas,
ang kulay mo, buo pa rin.
Sobrang galing mo.
Sobrang talino mo.
Sobrang husay mo.
At kahit hindi mo 'yan naririnig madalas,
hayaan mong ako na ang magsabi:
Hindi ka kailanman kulang.
Hindi kailanman sayang ang lahat ng ginawa mo.
At kahit pakiramdam mo minsan,
walang nakakakita sa'yo —
nandito ako.
Tahimik lang,
pero humahanga.
Tahimik lang,
pero naniniwala.
Kasi sa mundo kong madalas magulo,
ikaw 'yung pahinga.
'Yung alaala ng katahimikan sa gitna ng ingay.
At kahit hindi ako palaging nariyan,
asahan mong may isang tinig
na nagdarasal sa iyong kapayapaan.
Kaya kapag naramdaman mong
muli kang hinahatak ng dilim,
tandaan mo 'to —
hindi mo kailangang takbuhan ang araw
para maramdaman ang init.
Dahil ikaw mismo,
ang araw.
At kahit anong mangyari,
hindi kailanman mawawala 'yung liwanag mo.
Kaya sige, magpahinga ka muna.
Uminom ng tubig, huminga ng malalim.
At kapag kaya mo na,
bumangon ka ulit —
hindi para sa kanila,
hindi para sa mundo,
kundi para sa sarili mo.
At kung sakaling maramdaman mong nag-iisa ka,
tandaan mo 'to —
may isang taong naniniwala
na kaya mong muli.
At ako 'yun.
Ako 'yung bulong sa hangin,
ako 'yung tula na 'to.
At sa bawat salitang binibigkas ko ngayon,
isang paalala lang:
Bellissimo! Ang ganda mo. Ang galing mo.
At higit sa lahat, sapat ka.
Dahil sa kabila ng lahat —
nandiyan ka pa rin.